Noong ika-28 ng Pebrero 2023, lumubog ang MT Princess Empress habang may dalang kargo na 900,000 litro ng langis na nagresulta sa isang oil spill na umabot sa Mindoro, Antique, Palawan, Batangas, at maging sa Verde Island Passage (VIP). Isang buwan na ang lumipas pero patuloy ang pagdulot nito ng kapahamakan sa buhay sa ibabaw at ilalim ng ating mga karagatan.
Kami, ang mga apektado at nag-aalalang mamamayan, ay naalarma sa kakapusan ng pagtugon na inilalaan sa lawak at saklaw ng oil spill. Habang umaaksyon naman ang ilang ahensiya ng gobyerno, hindi nagmumukhang maagap at koordinado ang pagtugon gayung ang epekto nito’y may pambansa at pandaigdigang implikasyon. Ang isang trahedya na may ganitong saklaw - na direktang nakakaapekto sa mahigit 36,000 pamilya na nakasalalay sa maayos na kalagyan ng ating mga karagatan - ay dapat tinutugunan ng may pinakamataas na prayoridad at istandard ng pananagutan sa lahat ng sangkot.
Sa isang buwan na lumipas, tinatawag namin ang atensiyon ng lahat sa mga sumusunod:
1. Habang mailap ang pagtugon sa oil spill at ang imbestigasyon dito, walang garantiya na gagawin ng mga responsableng ahensiya ang lahat-lahat para pigilan ang pagkalat at alisin ang natitirang langis sa loob ng tanker upang maiwasan ang pinakamatinding pinsala sa mga komunidad at ng ating karagatan.
2. Ang kabiguan para sa epektibo at agarang pagkontrol sa pagtagas ay nagresulta sa pagkalat ng langis sa mga munisipyo sa loob at labas ng Oriental Mindoro, na nagdulot ng mas maraming bilang ng apektadong kabuhayan, seguridad sa pagkain, at epekto sa kalusugan.
3. Kawalan ng kumpiyansa ng mga apektadong komunidad at maraming mga organisasyon na ang mga kumpanyang responsable sa oil spill – partikular ang RDC Reield Marines Services, Inc., at SL Harbor Bulk Terminal Corporation na subsidiary ng San Miguel Corporation – ay mapapanagot sa gastos sa pagpigil ng tagas, pag-alis ng langis, at kabayaran sa kabuhayan at kalikasan na apektado.
4. Kawalan ng “whole-of-nation approach” o pamamaraan na kalahok ang lahat ng kinakailangang ahensya sa pagtutukoy at pagpapatupad ng mga solusyon sa pagtagas ng langis at kawalan ng oportunidad at pamamaraan para sa makabuluhan at ligtas na partisipasyon ng mga komunidad, civil society at iba pang susing stakeholders.
Ipinapakita ng oil spill sa VIP at sa mga katubigang sakop nito ang malawak na kapabayaan na dinadanas ng ating yamang-dagat at ng mga komunidad na nakadepende dito ngunit hanggang ngayon, ay wala pa rin makabuluhang diskurso sa mga polisiyang kinakailangan upang hindi na ito maulit.
Ating inilulunsad ang SOS: Stop the Oil Spill, Save Our Seas! para sama-samang ipanawagan ang kagyat na aksyon at pananagutan sa gitna ng matinding sakuna. Matapos ang isang buwan, nanawagan kami sa gobyerno na:
1. Kagyat na kontrolin ang tagas ng langis at alisin ang natitirang langis sa tanker, at hingin ang tulong at gabay ng mga eksperto na may kapasidad na agarang masuri ang kalagayan ng tanker at epektibong higupin ang langis.
2. Ipatupad ang isang whole-of-nation approach sa pagtukoy at pagpapatupad ng mga solusyon sa pagtagas ng langis at mga epekto nito sa mga apektadong komunidad at yamang-dagat, na nangangailangan ng epektibong pamumuno at malinaw na aksyon mula sa gobyerno, partikular sa pag-iwas sa karagdagang pinsala, at makabuluhang paglahok ng mga komunidad, civil society at mga susing stakeholder.
3. Siguraduhin ang transparency sa nagaganap na imbestigasyon hinggil sa pananagutan ng mga polluter, na dapat magsimula sa pagsisiwalat sa mga sangkot: may-ari ng tanker, umupa sa tanker, may-ari ng kargo, insurer, at paglalathala ng mga natuklasan sa mga imbestigasyon ng iba’t-ibang ahensiya.
4. Kagyat na simulan ang lahat ng nararapat na aksyon laban sa mga dapat managot – may-ari ng tanker, umupa ng tanker, insurer, may-ari ng langis – para singilin sa kanilang pananagutan, at buong kompensasyon para sa pinsala sa mamamayan at sa kalikasan at maiwasan ang mga kahalintulad na insidente sa hinaharap.
5. Repasuhin ang batas na pumapatungkol sa oil spill para siguraduhin ang mahigpit na pagtalima at pananagutan ng charterer kapag may oil spill at pagbabawal sa transportasyon ng nakakalason na kargo kagaya ng fossil fuels sa ating mga karagatan, at isama ang Verde Island Passage sa Expanded National Integrated Protected Areas System.